Empleyada sakay ng trike niratrat, patay
CANDELARIA, Quezon, Philippines — Patay agad ang isang empleyada nang pagbabarilin ng hindi nakikilalang lalaki habang nakasakay sa isang pampasaherong tricycle kahapon ng umaga sa Maharlika Highway sa Barangay Malabanban Norte ng bayang ito.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo at ibat ibang parte ng katawan ay kinilalang si Donabel Macatangay, 41, may asawa at residente ng Barangay Poblacion, Candelaria, Quezon.
Ayon kay PLt. Col. Alexis Nava, chief of police ng nasabing bayan, bandang alas-8:10 ng umaga ay sakay ng tricycle ang biktima na minamaneho ni Renier Tibayan patungo sa direksyon ng Sariaya, Quezon.
Nang bahagya umanong huminto ang tricycle, lumapit sa sidecar ang isang hindi kilalang lalaki at malapitang pinagbabaril ang babaeng sakay saka mabilis na tumakas ang suspek.
Inatasan na ni Lt. Col. Nava ang kanyang mga imbestigador na mangalap ng kopya ng CCTV sa crime site upang makilala ang salarin at matukoy ang motibo nito sa pagpaslang sa biktima.
- Latest