COTABATO CITY, Philippines — Arestado ang dalawang hinihinalang drug dealer makaraang makumpiskahan ng may P6.8 milyon na halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 sa Divisoria, Zamboanga City nitong Martes ng hapon.
Ayon kay Maharani Gadaoni-Tosoc, PDEA-9 regional director, nakadetine na ang mga suspek na kinilalang sina Junny Duke Rojas Bariño, 26-anyos, at ang kanyang 24-anyos na umano’y kasabwat na si Shadhi Lim Abdua; kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Agad na inaresto ng mga PDEA-9 agents sina Bariño at Abdua matapos magbenta sa kanila ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 milyon, sa isang entrapment operation sa Zone 5A sa Divisoria sa Zamboanga City.
Ayon kay Gadaoni-Tosoc, naisagawa ang matagumpay na operasyon sa tulong ng mga units na sakop ni Region 9 police director Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding at ng tanggapan ni Zamboanga City Mayor John Dalipe.