2 grupo nagrambulan: Tinedyer utas, 1 sugatan

CAVITE, Philippines — Isang tinedyer ang patay at isa ang sugatan matapos magpang-abot at magrambulan ang dalawang magkalabang grupo kamakalawa ng gabi sa loob ng isang subdivision sa Brgy. Salawag Dasmariñas City.

Alas-6:30 ng gabi sa Phase 4 Dasma1 Subdivision, Brgy. Salawag ng nasabing lungsod, nang magsalubong ang grupo ng mga biktima at suspek.

Nagkainitan ang mga ito hanggang sa mauwi sa suntukan. Dito na naglabas ng patalim ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na Shem, Paolo at Norad at pinagsasaksak ang mga biktimang sina alyas “Dariel” at alyas “Kevin”.

Kapwa nagtamo ng saksak ang mga biktima na naitakbo agad sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival si alyas Dariel habang patuloy na inoobserbahan si alyas Kevin.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente at tinutugis na ang mga tumakas na suspek.

Show comments