Nationwide transport strike, nilangaw sa Bicol region

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Muling pumalya ang grupong Manibela at Piston na kumbinsihing makiisa ang mayorya ng mga nasa transport groups sa Bicol Region sa ikinasa nilang nationwide transport strike matapos na halus walang nakiisa at naging normal ang biyahe sa lahat ng ruta sa ibat-ibang panig ng rehiyon mula pa kahapon.

Ayon sa ginawang monitoring ng Police Regional Office 5 sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon, halos naging normal ang sitwasyon nang biyahe lalo na mga pampasaherong jeepney sa iba’t ibang ruta sa buong rehiyon.

Wala umano silang natanggap na ulat na may kakulangan sa biyahe o nagkaroon ng problema ang mga mananakay. Gayunman, bilang paniniguro ay nagpalabas ng kautusan si Dizon sa lahat ng PNP Units sa Kabikolan na palabasin ang kanilang mga police patrol vehicles upang magbigay serbisyo sa publiko.

Ang Camp Gen. Simeon Ola sa Albay ay naglabas ng 14-bilang ng PNP vehicle habang 12 behikulo mula sa Albay Provincial Police Office at isa sa Regional Mobile Force Battalion 5 na naglibot para magbigay ng libreng sakay sa lalawigan.

Bilang paniniguro naman, sa pamamagitan ng PDRRMC-Albay Provincial Safety and Emergency Management Office ay sinuspinde kahapon at ngayong araw ni Gov. Edcel Greco Lagman ang face-to-face classes sa lahat ng antas, pribado o pang gobyernong paaralan sa buong lalawigan.

Hinikayat din nito ang mga paaralan na ipatupad ang flexible learning modality o kaya online at modular. Inatasan ng gobernador ang lahat ng MDRRMO at CDRRMO ng lahat ng bayan at lunsod na magmonitor at maging alerto.

Sa panig ng Bicol Intercity Transport Cooperative, sa pangunguna ni Joemir Marcellana Mujar na muling walang sasali sa kanila sa tigil-pasada at nanindigang seserbisyuhan ang lahat ng mga mananakay sa buong rehiyon.

Una ng sinabi ni Mujar na mayorya ng transport group sa Bicol ay sumapi na sa kanila at sumusuporta sa jeepney modernization program ng gobyerno.

Show comments