MANILA, Philippines — Umapela kahapon ang grupo ng mga hog raisers sa Food and Drug Administration (FDA) at Bureau of Animal Industry (BAI) na aprubahan na ang permit for commercial o emergency use ng bakuna laban sa African swine fever (ASF) sa susunod na buwan.
Ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP), masyadong matagal ang paghihintay ng anim na buwang proseso ng FDA para mabakunahan ang kanilang mga baboy gayung nagkakahawaan o nagkakamatayan na ang mga ito sa ASF.
“Kung hihintayin pa naming matapos ang proseso ng FDA, mamamatay ang aming mga alagang baboy, marami pang magdurusang negosyante at tataas ang presyo sa kakulangan ng baboy sa merkado,” ani AGAP Rep. Nicanor Briones, chairman ng PPFP.
Diin ni Briones, bakuna lang ang solusyon sa pagpigil sa ASF na laganap na sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Sinasabing ang pagsunod sa protocol ng FDA ang isa sa dahilan ng pagkaantala sa pag-apruba na maging commercial o emergency ang pagamit ng bakuna.
Ayon sa grupo, hindi na kailangang maghintay pa ng anim na buwan dahil nasubukan naman na epektibo ang bakuna sa mga baboy base sa malawakang eksperimento noong 2023.
Ayon kay Fritz Chua na commercial hog raisers at opisyal din ng PPFP, nagkaroon din ng trial sa kanyang farm at dito napatunayan niya ang bisa ng bakuna,
Anila, araw-araw ay maraming namamatay na baboy sa ASF na laganap na sa 17 rehiyon, 34 probinsya at 500 barangay sa bansa, base sa datos ng BAI nitong Setyembre 6.
Ang ipinakikiusap ng mga hog raisers ay huwag nang sundin ang mahabang protocol.
“Marami ng nagdusa, marami na ang nalugi at hindi makatulog araw-araw ang mga magbababoy dahil nangangamba sila na ang alaga nilang baboy ay pwedeng tamaan ng ASF at kapag tinamaan siguradong bankrupt na sila,” wika ni Briones.