Matapos manuntok ng vice mayor
MANILA, Philippines — Tatlong luxury cars ng suspendidong alkalde ng Tobias, Antique dahil sa panununtok sa kanyang vice mayor ang natupok matapos silaban ng ‘di kilalang suspek kahapon ng madaling araw sa nasabing lalawigan.
Batay sa video post sa Facebook ni Mayor Ernesto “Toto” Tajanlangit III, makikita na nasusunog ang kanyang mga mamahaling sasakyan na nakaparada sa garahe ng kanyang bahay dakong ala-1 ng madaling araw
kahapon. Kabilang dito ang isang Hummer H2, isang Ford Mustang, at isang Suzuki Ertiga.
Ang kabuuang halaga ng mga sasakyan ay hindi isiniwalat ngunit ang isang Hummer na sasakyan ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P2 milyon, Mustang, P3.5 milyon, at ang Ertiga ay nasa P900,000.
Iniimbestigahan na ng Tobias Fornier Fire Station ang insidente.
Naganap ang insidente ilang araw matapos pansamantalang bumaba sa puwesto si Tajanlangit nang suspendihin siya ng Office of the Ombudsman dahil sa kasong grave abuse of authority, conduct unbecoming of a public official, at grave misconduct.
Si Tajanlangit ay nasuspinde ng anim na buwan nang walang bayad o suweldo dahil sa pagsuntok kay Vice Mayor Jose Maria “Jojo” Fornier noong Abril 29 matapos umano itong hindi humingi ng permiso sa kanyang tanggapan para mamigay ng food packs para sa mga biktima ng El Niño.
Inabangan umano ni Tajanlangit si Fornier sa isang police checkpoint.
Makikita sa mga video ng insidente si Tajanlangit na humarang at pumasok sa isang trak na naglalaman ng mga relief goods at sinuntok si Fornier.
Si Fornier ang acting mayor ngayon ng bayan.