Election officer ng Palawan, misis natagpuang patay

MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang isang municipal election officer at misis nito matapos na umano’y pasukin sa loob ng kanilang tahanan sa Agutaya, Palawan, ayon sa ulat nitong Sabado.

Sa inisyal na ulat ng Palawan Provincial Police Office (PPO), dakong alas-8:30 ng umaga nitong Sabado nang madiskubre ng kanilang mga kapitbahay ang bangkay ni Emmanuel Gacott, municipal election officer ng nasa­bing bayan at misis nitong si Frenie Gacott sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Cambian ng bayang ito.

Ayon sa pulisya  si Emmanuel ay natagpuang duguan na nakadapa habang ang misis naman nitong si Frenie ay nadiskubre sa may kusina na duguan sa ulo.

Lumilitaw sa  imbestigasyon, ayon sa pulisya ay pagnanakaw ang nakikita nilang motibo ng krimen dahilan ang mag-asawa ay may pag-aaring pawnshop.

Kasalukuyan pang denetermina ng mga awtoridad  ang pamamaslang sa mag-asawa na kapwa nakitang duguang nakabulagta . Hindi rin inaalis ang posibilidad na pinukpok ang mga ito ng matigas na bagay at iniumbag.

Ipinag-utos naman ni Palawan PPO Director PCol. Carlito Narag Jr sa Agutaya Municipal Police na tugisin ang mga suspect na responsable sa krimen.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito upang mabigyang hustisya ang sinapit ng mag-asawa.

Show comments