Grade 12 student, binusalan at tinodas ng ka-chat­

MANILA, Philippines — Patay na nang ma­tagpuan sa loob ng isang lodging house ang isang 18-anyos na babae na nitong Bi­yernes sa Sitio Sta.Ana, Brgy Poblacion, Toledo City, Cebu.

Kinilala ang biktimang si Mae Fatima Tagactac, ng Barangay Sto. Niño at estudyante ng Buanoy National High School, Toledo City habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Richard Cabugsa at huling namataan sa Pier 1, Cebu City.

Batay sa report ng Toledo City Police, alas-3 ng hapon nitong Huwebes nang mag- check in para sa 12 oras ang dalawa. Alas-8 ng ­umaga ng Biyernes nang kinatok ng isang staff ng lodging house ang kuwarto ng biktima at suspek subalit wala umanong sumasagot. Napilitan ang staff na buksan ang kuwarto at nakita niyang nag-iisa na lamang ang biktima na nakahiga.

Inakala niyang natutulog lamang ito kaya paulit ulit niyang tinatawag at hindi kumikilos. Dito na tumawag ng kanyang kasamahan ang staff at nadis­kubreng patay ang biktima at may busal na ng damit ang bibig

Sa pahayag ng ina ng biktima, sinabi nito na nagpaalam ang kanyang anak na makikipag-meet up sa kanyang ka-chat na lalaki. Pinigilan niya ito dahil wala umanong larawan ang kikitain.

Tumuloy pa rin sa pakikipagkita ang biktima hanggang sa hindi na nakauwi ng bahay.

Base sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, nakita sa CCTV footage ng lodging house na magkasama ang biktima at suspek kung saan na bago nawala ang biktima ay kasama nito ang suspek.

Isasailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima para makumpirma kung ginahasa muna ito bago pinatay.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek.

Paulit-ulit naman nagpaalala ang mga awtoridad sa mga kabataan na huwag basta makipag-date o basta magtiwala sa mga taong nakilala lamang sa social media.

Hustisya naman ang hiling ng pamilya ng biktima.

Show comments