Presyo ng baboy maaring tumaas dahil sa mabagal na ASF bakuna
MANILA, Philippines — Nagbabala ang mga grupo ng hog raisers sa pagtaas ng presyo ng baboy dahil sa mabagal na pag-usad ng pagbabakuna sa mga baboy laban sa African swine fever (ASF).
Sa isang pagpupulong kahapon sa Maynila, sinabi ni Rico Geron, pinuno ng Sorosoro Ibaba Development Cooperative sa Batangas na marami ng namamatay sa kanilang mga alagang baboy dahil sa kawalan ng bakuna laban sa ASF.
Dahil dito, ang presyo ng baboy ay maaring tumaas sa darating na mga araw hanggang sa pagsapit ng pasko.
Hinikayat nila ang gobyerno na bilisan ang pagbabakuna kontra ASF upang maligtas ang kanilang mga alaga at hindi malugi ang kanilang negosyo.
Sinabi naman ni Alice Maraan ng Cavite Farmers Feedmilling and Marketing Cooperative, na hindi nila alam kung saan kinukuha ang anti-ASF na bakuna hanggang sa ngayon.
Tinanong naman ni Pork Producers Federation of the Philippines representative Fritz Kenneth Chua kung bakit mabagal ang proceso sa pagbabakuna ng baboy.
Sinisi ni Agricultural Sector Alliance Sector of the Philippines (AGAP) representative Nick Briones sa Food and Drug Administration (FDA) na parang pagong sa pagkilos dahil laganap ang ASF sa 14 rehiyon, 31 probinsya, 109 munisipyo at 472 barangay sa Pilipinas, base sa datos ng Bureau of Plant Industry.
- Latest