Surprise drug test sa mga pulis sa Nueva Ecija, isinagawa

Unang sumalang si P/Col. Ferdinand Germino, officer-in-charge ng NEPPO, sa isinagawang sorpresang drug testing sa mga pulis-Nueva Ecija na layong matiyak na walang gumagamit ng illegal na droga sa kanilang hanay, sa Cabanatuan City kahapon.

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Nagsagawa ng sorpresang drug-testing ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa kanyang mga kapulisan at mga empleyado, kahapon ng umaga, dito sa lungsod.

Pinangunahan ang biglaang pagsasagawa ng random drug testing ng mismong officer-in-charge ng NEPPO na si P/Col. Ferdinand Germino, na mahigit dalawang linggo pa lang na natalagang provincial director ng Nueva Ecija.

Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at kakayahan sa pagtiyak ng Nueva Ecija PNP Force na drug-free, ayon kay PD Germino.

Nabatid na bahagi pa rin ito ng internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) upang magkaroon ng  kredibilidad sa publiko na ang kanilang hanay ay ginagampanan nang buong husay ang pagpapatupad ng batas sa buong bansa.

Show comments