Magkaangkas may dalang marijuana, nabisto dahil sa nabanggang pulis
COTABATO CITY, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng dalawang motorista na hinihinalang “drug couriers” matapos silang mabisto ng isang pulis na kanilang nabangga na may dalang pinatuyong dahon ng marijuana na kanilang nabili sa online sa General Santos City nitong Lunes.
Nasa kustodiya na ng General Santos City Police Office ang 19-anyos na suspect na si Jay Mendoza Edoloverio at kasamang 20-anyos na si Charlie Magne Mendoza na nakumpiskahan umano ng marijuana na aabot sa P20,000 ang halaga.
Sa inisyal na pahayag nitong Martes ng tanggapan ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, unang aksidenteng nabangga ng motorsiklo ng mga suspek ang unipormadong si Patrolman Dave Amistoso habang sakay rin ng motorsiklo at bumabagtas sa kahabaan ng Barangay Labangal sa General Santos City.
Ayon sa mga saksi, biglang may itinapon si Edoloverio na isang supot, na nadiskubreng may laman pala na marijuana, nang siya at ang may-ari ng kanyang sinasakyang motorsiklo na si Mendoza ay sinita ng kanilang nabangga na si Amistoso mismo dahil sa pareho silang walang suot na mga crash helmets.
Agad namang inaresto ni Amistoso at mga barangay officials na nagresponde sa insidente ang magkamag-anak na sina Edoloverio at Mendoza, na umamin na sa mga imbestigador ng General Santos CPO at ng PRO-12 na nabili nila ang marijuana na nakumpiska sa kanila sa pamamagitan ng online transaction.
- Latest