LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagsanib puwersa ang Department of Labor and Employment Regional Office 5 at pribadong employment service na Bossjob Revolution upang maibaba ang problema sa unemployment rate o kawalang trabaho at underemployment rate o hindi full-time na trabaho sa buong rehiyon.
Sa datos na prinisinta sa pulong balitaan ni Joseph Ayala, jobstart coordinator ng DOLE-RV mula umano sa 2,373,000 noong July, 2023 ay umaabot ngayon sa 2,549,000 ang labor force sa Kabikolan o may pagtaas na 1.13 percent.
Sa naturang panahon, nasa 2,225,000 ang populasyong may trabaho noong nakalipas na taon at tumaas ito sa bilang na 2,396,000 o 7.69 porsyento ngayong 2024.
Gayuman, sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga nagkaroon ng trabaho ay nakitang tumaas din ang unemployment rate, na mula sa 147,000 noong nakaraang taon ay umabot ito ngayon sa 154,000 o may pagtaas na 4.76 percent. Habang ang underemployment rate ay tumaas din ng 1.40 porsyento, na mula sa 501,000 ay nasa 508,000 ito ngayong taon.
Binigyang diin ng Sorsoganon na si Feby Joy Leosala-Luneza, growth director ng Bossjob Revolution sa tulong ng DOLE at mga local government units (LGUs) sa Bicol mula sa Metro Manila ay dinala nila ang operasyon sa rehiyon upang matulungan ang kanyang mga kababayang magkaroon ng trabaho.
Sa tulong ng internet at kanilang online job platform at talent matching ay mas mabilis at accurate na mahahanapan ng trabaho ang sinumang job seekers na ayon sa kanilang pinag-aralan at skills at mabigyan naman ng manggagawa ang mga kumpanya na ayon sa uri o skills ng manggagawa na kanilang hinahanap.
Sa kasalukuyan ay may higit 2-libong Bicolano na ang nagpadala sa kanila ng aplikasyon mula Sorsogon, Naga City, Legazpi City at Albay. May ugnayan na rin sila sa mga state universities at colleges sa rehiyon kasama na ang Bicol University para sa profiling ng mga ga-gradweyt na mga estudyante.