COTABATO CITY, Philippines — Tatlong wanted persons sa kasong panggagahasa ang naaresto ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon sa Central Mindanao kamakalawa.
Sa ulat nitong Linggo ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office (PRO)-12, nasa kustodiya na nila ang tatlong akusado na nakatakda nang litisin sa iba’t ibang korte.
Unang nasilbihan ng warrant of arrest ng magkasanib na mga operatiba ng PRO-12 at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-12 ang 19-anyos lalaki na nasukol sa tulong ng mga impormante sa Barangay Kabulanan sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Makaraan ang ilang oras, isang 55-anyos na lalaki na taga-Barangay Sewod sa Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat ang nasilbihan ng warrant of arrest, sa kasong panggagahasa ng mga menor-de-edad, na kusang loob nang nagpaaresto sa mga pulis ng kanilang palibutan ang kanyang tirahan sa naturang barangay.
Huling naaresto ang isa namang 55-anyos na lalaki na wanted sa kasong statutory rape sa Barangay Maan sa T’boli, South Cotabato, na natunton at nasilbihan ng warrant of arrest sa suporta ng barangay officials na siyang nagturo sa mga pulis kung saan ito nakatira sa naturang barangay.