Estudyante patay sa boga ng sekyu

Kinilala ang biktima na si JM Bagadiong Dongao, 17-anyos, residente ng Southville 4, Barangay Pook, Sta Rosa City.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Isang estudyante ang patay  matapos na  barilin ng kanyang nakaaway na security guard  sa Nia Road, Brgy. Dila, Sta Rosa City, Laguna nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si JM Bagadiong Dongao, 17-anyos, residente ng Southville 4, Barangay  Pook, Sta Rosa City.

Ayon sa report, dakong alas-9:30 ng umaga nang makaaway ng  biktima ang security guard ng construction site ng railway project na si Alyas Andrew.

Nagalit umano ang suspek dahil sa palagiang pagtawid ng biktima sa ginagawang riles ng tren.

Sa gitna sagutan ng dalawa, nalaglag  sa putik ang cellphone ng sekyu at sinipa pa ito ng estudyante.

Lalong nagalit ang suspek at nagbunot ito  ng baril at pinaputukan ang biktima na agad nitong ikinasawi.

Tumakas ang suspek matapos ang insidente at pinaghahanap pa ito ngayon ng mga awtoridad.

Show comments