COTABATO CITY, Philippines — Maagap na napigil ng mga sundalo ang balak ng mga nalalabing kasapi ng grupong Dawlah Islamiya na magbomba ng ilang lugar sa Central Mindanao bilang pakitang gilas kasunod ng pagsuko ng maraming mga miyembro nito.
Sa pahayag nitong Biyernes ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, nakumpiska nitong Miyerkules ng mga tropa ng 1st Brigade Combat Team ang malalakas na uri improvised explosive devices sa isang kubo sa Barangay Tee sa Datu Salibo, Maguindanao del Sur na kanilang ginalugad matapos makatanggap ng ulat mula sa mga impormanteng napuna ang presensya ng dalawang tao doon na may ginagawang mga IED.
Mabilis na nakatakas ang dalawang lalaking namataan sa loob ng kubo, na ayon sa mga residente ng Barangay Tee ay mga kasapi ng Dawlah Islamiya, ng napansin na may mga sundalong papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Ayon sa mga residente ng Barangay Tee, ilan sa kanila ay Islamic preachers, may balak ang nalalabing mga miyembro ng Dawlah Islamiya na magpasiklab sa pamamagitan ng pambobomba sa ilang targets sa Central Mindanao upang kunwari ay maipakitang malakas pa rin ang grupo sa kabila ng pagsuko ng 316 na mga kasapi nito sa ibat-ibang unit ng 6th ID mula 2022.
Marami sa mga sumuko at nagbabagong buhay na na mga dating mga kasapi ng Dawlah Islamiya ay umamin sa kanilang mga ginawang paghasik ng galit ng mga Muslim sa hindi mga Muslim at pambobomba ng mga bus at establisyementong ang mga may-ari ay tumangging magbigay ng pera sa kanila.