5 armadong suspek nagpakilalang pulis
CAVITE, Philippines — Patay ang isang delivery rider habang kritikal ang kasama nitong babae matapos silang harangin at tangayin ng limang armadong lalaki na nagpakilalang mga pulis at kalauna’y pinababa sa sasakyan saka pinagbabaril na ikinasawi ng una, sa Brgy. Maduya, Carmona, dito sa lalawigan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si John Mark Cruz Samonte, 24-anyos, Food Panda delivery rider, tubong Makati at residente ng Brgy. 124 Tolentino Street, Libertad, Manila, habang inoobserbahan sa ospital ang kasama nitong babae na si Marithe Ashley G.Tila, 21, isang online seller at residente ng E.Rodriguez Street, Malibay, Pasay City.
Hindi naman nakilala ang limang armadong suspek na nagpakilala umanong mga pulis, ayon sa nakaligtas na babaeng biktima.
Sa ulat ng pulisya, alas-7:30 ng gabi nitong Setyembre 10 nang maganap ang insidente sa tapat ng Water District malapit sa Carmona Public Market sa Brgy. Maduya, Carmona.
Sakay umano ang mga biktima ng itim na Toyota Wigo (ABT 2855) nang bigla silang harangin ng isang itim na Mitsubishi Montero (NCK5430) lulan ang mga suspek.
Mabilis umanong sumakay ang isa sa mga suspek sa sasakyan ng mga biktima saka sila tinangay.
Matapos ang ilang sandali at hindi pa sila gaanong nakalalayo, bigla umanong pinababa ng suspek ang dalawang biktima saka pinagbabaril na bumulagta sa daan.
Agad na sumibat ang mga suspek tangay rin ang sasakyan ng mga biktima.
Kaugnay nito, nakatanggap ng report ang Carmona Police mula sa Tanauan Batangas Police kaugnay sa shooting incident sa Sitio Malipa, Brgy. Malaking Pulo, Tanauan, Batangas, at nadiskubre ito dakong alas-9:40 ng gabi noong Setyembre 10.
Posibleng ang naturang grupo ang iisang may gawa sa pamamaril sa dalawang biktima dahil sa natukoy na plate number ng kanilang gamit na sasakyan.