MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 300 residente ang inilikas sa gitna na rin ng pag-aalburoto ng Mt. Kanlaon sa Canlaon City, Negros Oriental.
Sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD)-Region 7, ang Bulkang Kanloan ay patuloy na nagbabadya sa kaligtasan ng mga residente sa palibot nito kaya inilikas ang 92 pamilya o kabuung 301 indibidwal mula sa palibot ng bulkan sa Brgys. Malaiba, Masulog Pula at Lumapao; pawang saklaw ng 4-kilometer radius permanent danger zone(PDZ).
Sa monitoring ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagluwa ang Bulkang Kanlaon ng may halos 10-libong tonelada ng asupre kaugnay ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkan sa nagdaang 24-oras.
Nagtala rin ang bulkan ng 337 volcanic earthquakes at malakas na pagsingaw na may 1000 metrong taas na napadpad sa timog-silangan ng bulkan. May pamamaga rit ito na indikasyon na may nagaganap na aktibidad sa loob nito.
Bunsod nito, pinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok sa loob ng 4-km PDZ at sa paglipad ng anumang aircraft malapit sa bunganga ng bulkan dahil sa banta ng pagputok ng steam o phreatic explosions.
Patuloy na nasa ilalim ng alert level 2 ang estado ng naturang bulkan.