Sundalo utas sa ambush sa Zamboanga del Sur

Masusing sinisiyasat ng mga pulis ang ginawang pananambang at pagpatay sa isang sundalo habang sakay ng motorsiklo sa Brgy. Tina, Dumalinao, Zambonga del Sur nitong Sabado.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Patay agad ang isang off-duty na sundalo nang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan habang sakay ng motorsiklo sa isang bahagi ng highway sa Barangay Tina sa Dumalinao sa Zamboanga del Sur nitong Sabado.

Sa hiwalay na paha­yag nitong Lunes ng Dumalinao Municipal Police Station at Police Regional Office-9, ang ambush victim na si Private First Class Mark Leo Capute ay kasapi ng 44th Infantry Battalion ng 1st Infantry Division ng Philippine Army.

Si Capute ay nag-weekend pass lang umano upang madalaw ang kanyang pamilya sa naturang bayan.

Inaalam pa ng mga imbestigador ng Dumalinao Municipal Police at mga barangay officials sa Tina, isang liblib na lugar sa naturang bayan, kung sino ang responsable sa pag-ambush kay Capute na mabilis na nakatakas matapos maisagawa ang natu­rang krimen.

Hindi naman tinangay ng mga salarin ang service pistol ni Capute at motorsiklo nito, ayon sa salaysay ng mga barangay officials at mga imbestigador ng Dumalinao MPS.

Show comments