40 senior citizens, nabiyayaan sa ‘Balik Ngiti Program’ sa Cotabato
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Mahigit 40 na lolo at lola sa probinsya ng Cotabato sa Region 12 ang nabigyan ng mga pustiso na nagkakahalaga ng P15,000 bawat pares, kaugnay ng “Balik Ngiti Program” ng tanggapan ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza.
Ang pinakahuling pamimigay ng mga pustiso sa mga benepisyaryong lolo at lola ng Cotabato provincial government ay isinagawa sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pikit nitong Huwebes.
Pinangunahan ng oral health program coordinator ng tanggapan ni Mendoza, ang dentistang si Divinagracia Alimbuyao, ang pamamahagi ng mga bagong gawang mga pustiso para sa 10 mga benepisyaryong senior citizens na taga-Pikit, isa sa 17 mga bayan na sakop ng probinsya.
Ang pamamahagi ng tanggapan ni Mendoza ng mga pustiso para sa mga senior citizens sa Pikit ay kasunod ng katulad din na aktibidad sa bayan ng Banisilan sa Cotabato province ilang araw pa lang ang nakakalipas.
Ayon kay Gov. Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, ang kanilang Balik Ngiti Program para sa mga senior citizens sa Cotabato ay naglalayong maparamdam sa kanilang sektor na sila ay hindi kinakalimutan ng kanyang administrasyon.
- Latest