MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Joint Task Force Central katuwang ang Joint Normalization Committee (JNC) at iba pang sangay ng gobyerno ang kampanya ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program matapos isinuko ang 39 na mga armas pangdigma sa area of operation nitong September 5-6, 2024.
Ang mga kagamitang pangdigma ay kinabibilangan ng apat na shotguns, dalawang Garand rifle, limang Pistols, isang M14 Rifle, isang Sniper Rifle, dalawangpu’t apat na 40mm HE, at mga bala na isinuko sa Marine Battalion Landing Team-5 sa bayan ng Datu Blah, Sinsuat Maguindanao del Norte. Maliban dito, nasa labinwalong M14 Rifle, limang Garand Rifle, isang Carbine Rifle at dalawang 9 mm (UZI) ang isinuko naman sa 6th Infantry Battalion mula sa mga bayan ng Datu Piang, Mamasapano, Shariff Saydona Mustapha at Datu Salibo sa probinsya ng Maguindanao del Sur.
Pinuri naman nina Brig. Gen. Romulo Quemado II, Commander 1st Marine Brigade at Brig. Gen. Vladimir Cagara, Commander 1st Brigade Combat Team ang Marine Battalion Landing Team 5 at 6th Infantry Battalion sa pangunguna nina Lt. Col. Lester Mark Baky at Lt. Col. Al Victor Burkley dahil sa pagsasagawa ng mga Information and Education Campaign (IEC) hinggil sa SALW Management Program. Gayundin ang suportang ipinakita ng mga local chief executives at iba pang mga opisyal mula sa nasabing bayan sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Matatandaan na ang SALW ay isang programa ng JNC na ang layunin ay mabawasan at mapangasiwaan ang paglaganap ng mga loose firearms nang sa ganun ay maipapatupad ng maayos ang mga proyekto at programa ng mga ahensya ng gobyerno para sa mga mamamayan.
“Layunin ng programang ito ang masiguro ang isang mas ligtas na pamayanan at masawata ang paglaganap ng mga loose firearms. Ang 6ID at JTF Central ay katuwang ninyo sa pagpapatupad ng makabagong programang ito. Kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga local officials ng mga bayan, naway maging magandang simulain ito upang makamit natin ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa Central at South-Central Mindanao,” ayon kay Maj. Gen. Nafarrete.