3 pang insidente ng nakawan, holdap naitala sa Cavite
CAVITE, Philippines — Tila nagiging paborito na ng mga magnanakaw na umatake sa lalawigang ito matapos na makapagtala muli ang pulisya ng tatlo pang bagong insidente ng “akyat-bahay” at holdapan sa bayan ng Alfonso.
Sa ulat, unang naitala ang magkasunod na pagnanakaw sa Washington Royal Tagaytay Estate sa Brgy. Back Estate, bayan ng Alfonso dakong alas-5 ng madaling araw kung saan unang nabiktima ang isang alyas “Angela”.
Ayon kay Angela, nang gumising siya ay nadiskubre niya na nawawala na ang kaniyang laptop at wallet na naglalaman ng kaniyang mga IDs, credit cars at cash. Nakita niyang nakabukas na ang sliding door ng kaniyang bahay na posibleng dito dumaan ang suspek.
Kasunod nito, dakong alas-5:45 ng madaling araw na halos kabilang street ay inatake rin ng mga hinihinalang “akyat-bahay gang” ang bahay ni alyas “Grace” ng Royal Tagaytay Estate. Natangay ang isang iPad Pro, isang iPhone 8 at cash money. Sinasabing sa sliding door din ng kanilang bahay dumaan ang ‘di nakilalang suspek.
Malaki ang hinala ng pulisya na iisang grupo lamang o suspek ang bumiktima sa magkasunod na insidente ng nakawan sa nasabing mga lugar.
Samantala, alas-11:05 ng gabi nang holdapin ng armadong kalalakihan ang isang lalaking negosyante at natangay ang kanyang mahigit sa P2 milyon cash.
Sa ulat, minamaneho ni alyas “John” ang kaniyang Mitsubishi Mirage (FAE 9041) at bumabagtas sa nasabing lugar nang bigla siyang maplatan. Agad nitong itinakbo ang sasakyan at ipinark sa harap ng Cavite Garden sa Aguinaldo Highway, Brgy Niog, Bacoor City upang magpalit sana ng gulong.
Gayunman, hindi pa man siya nakakababa ng kaniyang sasakyan ay tatlong lalaki na ang biglang lumapit at tinutukan siya ng baril. Mabilis na kinuha umano ng mga suspek ang isang bag kung saan nakalagay ang P2,228,000 cash bago sila mabilis na tumakas.
Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang tatlong hinihinalang kawatan na kinilala sa mga alyas na Chris John, Jan at Christian, pero hindi na nabawi pa ang kinulimbat na higit 2-milyong piso.
- Latest