BATANGAS, Philippines — Sa dagat na natagpuan ang bangkay ng babaeng nahulog sa ilog sa Barangay Sampaga, Balayan, Batangas noong Lunes ng umaga.
Ayon sa report ng Philippine Coast Guard, nakita ng mga residente ng Sitio Bakawan, Barangay Mataas na Bayan sakop na ng Lemery ang labi ng babae na palutang-lutang sa baybaying dagat nitong Martes.
Positibo itong kinilala na rin ng kanyang mga kaanak.
Lumalabas na nahulog sa ilog ng Brgy. Sampaga sa Balayan nitong Lunes ng umaga ang biktimang kinilala lamang sa pangalang Analyn. Aksidente siyang nahulog sa binabahang ilog pagkababa sa tricycle na minamaneho ng kanyang live-in partner.
Tinangka pa itong iligtas ng lalaki pero nadulas umano ang babae at nahulog sa ilog at tuluyang natangay ng rumaragasang baha.