COTABATO , Philippines — Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 ang P340,000 halaga ng shabu sa dalawang umano’y drug dealers na nagmula pa sa malalayong probinsya sa inilatag na buy-bust operation sa Barangay Anonang, Aurora, Zamboanga del Sur nitong Lunes.
Sa ulat nitong Miyerkules ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Haiden Lumambas Macasalong at kasabwat na si Jomair Kasanguan Amanodin, parehong nakakulong na matapos ma-entrap sa Purok 1 Matinabangon sa Barangay Anonang sa bayan ng Aurora.
Si Macasalong, taga-Barangay Patidon sa Salvador, Lanao del Norte, habang si Amanodin ay residente ng Barangay Banday sa Malabang Lanao del Sur.
Ang dalawa ay matagal na umanong target ng entrapment operation ng PDEA-9 at ng Police Regional Office-9 dahil sa kanilang pagbebebenta ng shabu sa iba’t ibang bayan sa Zamboanga del Sur at sa kabisera nito, ang Pagadian City.
Ayon kay Gadaoni-Tosoc, maliban sa shabu, nakumpiska rin ng PDEA-9 agents at mga pulis mula sa dalawang suspek ang isang .45 caliber pistol at isang Suzuki minivan na kanilang gamit sa paghahatid ng shabu sa kanilang mga contacts sa malalayong lugar.