MANILA, Philippines — Tinorture muna bago pinatay ang 15-anyos na dalagita na natagpuang naaagnas sa tubuhan sa Barangay Cubay, La Carlota City, Negros Occidental noong Agosto 14.
Ito ang lumabas sa autopsy report ayon kay Police Capt. Rosinie Cabuena, deputy chief ng La Carlota City Police Station, Negros Occidental kung saan nagtamo ng sugat sa ulo, leeg, dibdib at tiyan ang biktima na pinaniniwalaang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Gayunman, sinabi ni Cabuena, na hindi naman makumpirma kung ginahasa ang biktima na Grade 10 student dahil nasa state of decomposition na ang katawan nito nang madiskubre sa taniman ng tubo.
Inireport na nawawala ang biktima noong Hulyo 30 ng kanyang pamilya matapos na hindi na umuwi pagkatapos pumasok ng klase.
Agad namang lumutang ang stepfather ng biktima na “person of interest” sa krimen ng National Bureau of Investigation (NBI), at itinanggi ang akusasyon na may kinalaman siya sa pagpatay sa dalagita. Nasa Iloilo umano siya nang matagpuan ang anak-anakan matapos na magkaroon ng pakikipagtalo sa kanyang kinakasama na ina ng una.