CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Opisyal nang nagsimula ang isang linggong selebrasyon para sa ika-128 anibersaryo ng “Unang Sigaw ng Nueva Ecija”.
Tampok ang iba’t ibang aktibidad na inihanda ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija katuwang ang mga sangay ng gobyerno nasyonal at pribadong tanggapan, na matutunghayan hanggang sa mismong araw ng kapistahan nito sa Setyembre 2.
Ayon kay Vice Governor Emmanuel Antonio Umali, ang selebrasyon ay hindi lamang paggunita sa mga sakripisyong ginawa ng mga ninuno, kundi pati na rin ang patuloy na pakikibaka at tagumpay ng bawat isang Novo Ecijano.
“Tulad ng ating mga ninuno na nagkaisa para sa kalayaan, tayo rin ngayon ay nagkakaisa para sa progreso at kaunlaran,” pahayag ni Umali.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng programa, pinasalamatan ni Umali ang kanilang mga magsasaka na itinuturing na mga bayani sa kasalukuyang panahon dahil sa kanilang tiyaga, sipag at pagmamahal sa lupa, na siyang bumubuhay sa mamamayan.
Tampok sa anibersaryo ang mga aktibidad para sa mga magsasaka, tulad ng agri-tourism at trade fair, agricultural service caravan, pagkilala sa mga agricultural achievers, at pagtalakay sa mga legal na usapin para sa mga kooperatiba.
Inaanyayahan ng kapitolyo ang mga kababayan na makiisa rin sa arts exhibit, pamanang lasa cook fest, laro ng lahi, basic life support training, libreng konsulta legal, historical symposium, bonsai exhibition and competition, medical mission, job fair at grand concert, na bahagi ng mga program sa anibersrayo.