MANILA, Philippines — Lumagda sa isang kasunduan ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang Bicol Medical Center (BMC) upang direktang bibilhin ng naturang ospital ang farm produce ng mga lokal na magsasaka sa Bicol region.
Ang ospital ang pinaka-malaking pagamutan sa rehiyon. Ang mabibiling farm produce ng naturang ospital ay ipapakain sa higit 3,000 pasyente at empleyado nito.
Nakasaad sa nilagdaang kasunduan ang pagpapahintulot sa 1,000-bed capacity na ospital na bumili ng bigas, gulay, root crops, at iba pang produkto mula sa samahan ng mga magsasaka sa Bicol.
Sinasabing ang hakbang ay hindi lamang nagbibigay ng oportunidad sa ekonomiya sa mga magsasaka, kundi tinitiyak din nito na mayroong patuloy na suplay ng abot-kayang halaga ng sariwang pagkain para sa BMC.
Pinasalamatan ni Dr. Ronnie Gregorio Gigantone III, chief medical officer ng BMC ang DAR dahil sa inisyatibang ito na makakakain ng sariwang pagkain ang mga pasyente nila at mga empleyado sa murang halaga bukod pa sa malaking tulong ito sa mga magsasaka ng lalawigan na magkaroon ng tiyak na kita para sa kanilang mga pamilya.