CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Hindi umubra sa mga naka-duty na prison guard ang ginawang modus ng isang 70-anyos na lolo na balak sanang magpasok ng hinihinalang shabu sa nakakulong nitong anak sa Nueva Ecija Provincial Jail (NEPJ) sa Barangay Caalibangbangan nang mabisto ang nasabing kontrabando sa loob ng suot na diaper ng 1-taong gulang na lalaking apo nito, noong Linggo ng umaga.
Ang suspek, na hindi pinangalanan ng pulisya ay isang biyudo at residente ng Purok 2 ng Barangay San Juan Accfa ng lungsod na ito ay itinurn-over sa Cabanatuan City Police station at nahaharap ngayon sa paglabag sa section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nabatid sa ulat na alas-9:45 ng umaga noong Linggo nasa entrance gate ng nasabing provincial jail ang lolong suspek at nakatakdang dalawin nito ang nakakulong na anak na si Angel Balagtas Eugenio, na may kaso rin na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa nasabing routinary body check ay nakuhanan ng isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na may laman umanong crystalline substance na hinihinalang shabu mula sa suot umanong diaper ng 1-year old nitong apong lalaki na anak umano ni Angel.
Humigit-kumulang umano sa 1 gramo ang timbang nito na may standard drug price na P6,800.