CAVITE, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapat ng tatlong mag-aama makaraan silang masapol ng kidlat habang nangingisda sa laot, kamakalawa ng madaling araw sa bayan ng Rosario, lalawigang ito.
Kinilala ang mga biktima na sina Francisco Despi Sr, 62-anyos at mga anak na sina Fran-ed Despi, 30-anyos, at Francisco Despi Jr., 28 taong gulang, pawang residente ng Brgy. Muzon 2, Rosario, Cavite.
Sa ulat ng Municipal Disaster Reduction Risk and Management Office (MDRRMO), alas-4 ng hapon nang pumalaot ang mag-aama upang mangisda na inabot ng madaling araw.
Sinabayan pa ito ng pagbuhos ng malakas na ulan at isang malakas na kidlat ang tumama sa mag-aama na sakay ng bangka.
Natagpuan ng mga kapwa mangingisda ang mga katawan ng biktima na palutang-lutang sa dagat habang nakataob na ang kanilang bangka.