BATANGAS, Philippines — Walang iba kundi ang asawa ng veteran at award winning actress na si Vilma “Ate Vi” Santos-Recto ang nagkumpirma na may 80% na posibilidad na muling tumakbo ang misis bilang Batangas governor sa 2025 mid-term election.
Sa isang panayam matapos ng press conference sa “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” sa Lima Park, Lipa City nitong Biyernes, inamin ni Finance Secretary Ralph Recto ang kumakalat na balitang tatakbong muli ang kanyang asawa na si Ate Vi sa darating na eleksyon.
Unang tinanong kay Recto ang plano ng dating gobernadora - “she’s considering to run for governor but nothing is final yet,” aniya.
Nang tinanong kung aabot ba sa 80% ang tsansa para sa re-election ni Gov. Vi - “Mahirap magbigay ng percentage pero meron naman (80%),” anang kalihim ng Department of Finance.
Nag-umpisa ang espekulasyong tatakbong muli si Ate Vi bilang gobernador nang kumalat ang mga tarpulin ng pamilyang Recto sa buong lalawigan ng Batangas.
Kabilang sa tarpulin ang mga anak nilang sina Luis Manzano na napapabalitang tatakbo bilang vice governor at Ryan Christian Recto na balak naman umanong tumakbo bilang kongresista ng Lone District ng Lipa.
Sa isang text message, nang hingan si “Star for All Season” Santos-Recto ng kumpirmasyon sa balita, sinabing -- “Pag na-finalize ko na decision ko to serve Batangas again.. given the chance ...I will let you know.”
Si Santos-Recto ay nagsilbing governor ng Batangas ng tatlong termino at naging mayor ng Lipa ng tatlong termino rin. Naupo rin siya bilang kongresista ng 6th District ng Batangas, na may iisang distrito ang Lipa City noong 2016.