Opisina at bahay sinalakay ng PNP
DARAGA, Albay MANILA, Philippines — Ipinaaaresto na ng korte si Daraga Mayor Carlwyn Baldo dahil sa double murder case na isinampa laban sa kanya kaugnay ng pamamaslang kay Ako Bicol Cong. Rodel Batocabe at kanyang bodyguard na si Police Master Sgt. Orlando Diaz noong Disyembre 2018.
Ayon kay PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon, noong Huwebes ay natanggap na nila ang “warrant of arrest” na inilabas noong Agosto 21, 2024 ni Judge Pacheco, ng National Capital Region-Regional Trial Court (NCR-RTC) Branch 3 kung kaya agad na pinuntahan ng mga tauhan ng Police Regional Office 5, Daraga Municipal Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kanyang opisina pati na ang bahay nito sa Brgy. Tagas, Daraga pero wala ang alkalde habang naging matipid sa pagsagot ang mga nakausap na mga kaanak at tauhan nito.
Bunsod nito, nanawagan si PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon kay Mayor Baldo na sumuko na at harapin ang kanyang kaso.
Sinabi ng heneral na dati nang naaresto si Baldo sa kasong illegal possesion of firearms and explosives noong 2019 pero nakalaya matapos magpiyansa. Gayunman, sa muling paglabas ng warrant of arrest sa double murder case nito, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Hiningi na rin ng heneral ang tulong ng mga mamamayan na magsumbong o magbigay ng impormasyon sa pinakamalapit na police station kapag nakita nila ang alkalde o may alam sa kinaroroonan nito.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni Atty. Justin Batocabe, anak ng pinaslang na dating kongresista sa ipinalabas na warrant of arrest laban sa binansagan niyang “mamamatay tao” na hindi umano siya at ang kanyang pamilya pati na ang kanilang legal team titigil hangga’t hindi naipakukulong ang alkalde.
Si dating Cong. Rodel Batocabe ay tinambangan ng mga hired killers sa gift giving mission sa mga senior citizen sa Brgy. Burgos na ikinasawi pati ng kanyang police escort at pagkakasugat ng ilan pang dumalong seniors.
Patuloy namang nakakulong ang mga naaresto at itinurong gunmen na sina Henry Guanzon Yuson; Danilo Nuñesca Muella; Christopher Cabrera Naval; Emmanuel Añes Rosillo; Rolando Nonsol Arimado; at Jaywin Interino Babor.