MANILA, Philippines — Nagliyab ang nakaparadang e-bike at nadamay ang katabi nitong motorsiklo at SUV sa Biñan City, Laguna,kamakailan.
Sinabi ni Fire Officer 3 Mark Anthony De Roxas, Intelligence and Investigation Unit Chief, BFP, Biñan City na nagsimula ang sunog sa battery ng e-bike at agad na itong kumalat sa katabing mga sasakyan sa isang subdibisyon sa Barangay Sto. Tomas.
“Nanggaling sa battery and then nag-spread-out na siya doon sa entire e-bike,” ayon kay Fire Officer 3 Mark Anthony De Roxas, Inteligence and Investigation Unit Chief, BFP, Biñan City.
Katabi ng nasunog na e-bike na nakaparada sa gilid ng kalsada ang isang motorsiklo at isang SUV na nadamay sa insidente.
“Magkakatabi lang talaga yung tatlo [sasakyan]. Kaya yung spread ng fire mabilis kasi ano lang siya...magkakalapit lang yung distance [ng mga sasakyan],” dagdag ng opisyal.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang may-ari ng e-bike at iba pang napinsalang sasakyan pero ayon sa otoridad ay nagkausap na ang mga ito.
Nagpaalala rin ang BFP na huwag iiwanang naka-charge nang matagal o ma-overcharge ang baterya ng e-bike para maiwasan ang disgraya.