MANILA, Philippines — Dumanas ng panibagong dagok ang mga miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos na sumuko sa tropa ng mga sundalo ang dalawa nitong high ranking official sa Eastern Visayas, ayon sa opisyal ng military kahapon.
Kinilala ang mga sumuko sa mga alyas “Ka Leo/Omer,” dating Squad Leader ng Squad 2, Sub-Regional Guerilla Unit at alyas “Ka Mael”, dating finance officer ng nabuwag na Front Committee 15; pawang Sub-Regional Committee Arctic ng Eastern Visayas Regional Committee ng NPA.
Ang dalawa ay sumurender kamakailan sa 20th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa Brgy. Dapdap, Las Navas, Northern Samar.
Sa report ni Lt. Col. Richard Villaflor, commanding officer ng 20th IB, ang pagsuko ng dalawang NPA leader ay bunga ng puspusang opensiba ng tropa ng militar upang tuldukan ang communist insurgency sa rehiyon.
Sa tala ng 8th Infantry Division, mula Hulyo 1, 2022 hanggang Agosto 9, 2024 ay nasa 94 NPA rebels ang na-neutralisa sa Eastern Visayas kabilang ang 16 High Value sa kilusan at 14 pang pangunahing pinuno ng NPA na nagsisuko, nasakote at napaslang sa serye ng engkuwentro habang 148 na mababang uri ng armas at 90 anti-personnel mines ang narekober ng tropa ng militar.