LAGUNA, Philippines — Labimpito katao ang isinugod sa ospital matapos na tumagas ang isang tangke ng kemikal sa loob ng junk shop habang nagsasagawa ng paglilinis sa Barangay Banay-banay, Cabuyao City ng lalawigang ito noong Martes ng hapon.
Ayon sa ulat, ang mga biktima ay dinala sa ospital matapos dumaing ng pagkahilo at hirap sa paghinga matapos makalanghap ng sinasabing kemikal na tumagas.
Agad namang rumesponde sa chemical leak incident ang joint rescue team kasama ang mga pulis at binigyan muna ng paunang medikal na lunas ang mga biktima bago sila isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ayon kay Ramon Villareal, superbisor ng Scrap Trading Co., ang mga tauhan ay nagsagawa ng general cleaning sa loob ng junk shop at habang inililipat nila ang isang tangke ng metal cylinder na nasa apat na talampakan ay biglang tumagas ang kemikal o likido na nagmumula rito na nagdulot ng pagsingaw ng mabahong amoy.
Agad na lumikas ang mga tao sa lugar dahil sa hindi makayanang amoy at hirap sa paghinga kung kaya agad silang dinala sa pagamutan.
Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon ng fire investigator na ang substance ay pinaghihinalaang chlorine-based na kemikal dahil sa madilaw-berdeng hitsura nito.
Sa kabila nito, nasa stable umanong kondisyon ang mga biktima ng chemical leak at iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente.