2 timbog sa P6.8 milyon shabu entrapment

COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa P6.8 milyon na halaga ng shabu sa dalawang umano’y drug dealers sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Rosary Heights 9 sa Cotabato City nitong Martes.

Kinumpirma nitong Miyerkules ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region, na nasa kustodiya na nila ang dalawang suspect na sina Ebrahim Guinda Esmael at Dali Malogayak Abdulkarim, na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Agad na inaresto ng mga PDEA-BARMM agents at mga kasapi ng Cotabato City Police Office sina Esmael at Abdulkarim matapos silang mabilhan ng isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, sa inalatag na buy-bust operation sa gilid ng mataong Governor Gutierrez Avenue sa Barangay Rosary Heights 9, Cotabato City.

Ayon kay Castro, naisagawa nila ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng director ng Cotabato City police na si Col. Joel Estaris at ng mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.

Show comments