MANILA, Philippines — Patay ang isang driver nang pagtatagain ng kanyang kapwa tricycle driver na sinasabing matagal na niyang kaalitan dahil sa agawan sa pasahero, sa Cainta, Rizal kamakalawa.
Dead on the spot ang biktimang si Sixto Chavez habang nakatakas naman ang suspek na si alyas “Rholly”, kapwa tricycle driver na miyembro ng San Andres Tricycle Operators and Drivers Association (SATODA).
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng Cainta Municipal Police Station na dakong alas-9:45 ng umaga nang maganap ang krimen sa Villa Estella, A. Prime, Barangay San Andres, sa Cainta.
Nabatid na dati nang may alitan ang dalawa dahil sa agawan ng pasahero, kaya’t nang mag krus ang landas ng mga ito sa naturang lugar ay nagkaroon sila ng mainitang argumento.
Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, bigla na lang umanong kinuha ng suspek ang dalang itak na nasa kanyang tricycle at ilang ulit na pinagtataga ang biktima na kaagad nitong ikinasawi.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek upang panagutin sa krimen.