P800K shabu samsam sa dayong drug dealer
COTABATO CITY, Philippines — Isang dayo na nagmula pa sa malayong lungsod ang nakunan ng P800,000 na halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Kidapawan City nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat nitong Linggo ni Brig. Gen. James Gulmatico, bagong talagang director ng Police Regional Office-12, hindi na pumalag ang 46-anyos na si Johnny Villanueva nang arestuhin ng mga hindi unipormadong operatiba ng PRO-12 matapos silang bentahan ng 115 gramo ng shabu sa isang entrapment operation sa Kidapawan City sa Cotabato.
Residente ng Barangay Poblacion sa Digos City, Davao del Sur ang ngayon ay nakakulong ng si Villanueva, ayon kay Gulmatico.
Magkatuwang na naikasa ng mga kasapi ng Regional Drug Enforcement Unit ng PRO-12 sa Cotabato na pinamumunuan ni Police Captain Ernie John Saratao, at mga opisyal ng Kidapawan City Police Office ang naturang operasyon matapos na makumpirma ang illegal na gawain ni Villanueva sa kanyang malakihang pagbebenta ng shabu sa ilang mga contacts sa Kidapawan City at ilang bayan sa probinsya.
- Latest