7 stude nag-cutting classes, nag-inuman sa tabing dagat, 1 patay
CAVITE, Philippines — Isang estudyante ang patay makaraang tangayin ng malakas na alon kasama ang kanyang anim na kaklase na nag-cutting classes, habang nag-iinuman sa tabing dagat kamakalawa ng hapon sa Brgy. Bucana Malaki, bayan ng Naic, dito sa lalawigan.
Matapos ang ilang oras na rescue operations, narekober kahapon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Sub Station sa Naic, Cavite sa pangunguna ni CG Lyndon Remos, Sub-station commander ang katawan ng biktima na kinilala lang sa alyas “EJ”, 15-anyos, Grade 10 student, at residente ng Brgy. Calubcob Indang Cavite habang nakaligtas ang kanyang mga kasamahan na nagkakaedad ng 15 hanggang 19, pawang estudyante ng Halang National High School at mga residente ng Naic, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, ala-1 ng hapon kamakalawa nang mag-cutting classes umano ang nasabing pitong estudyante at nagdiretso sa tabing dagat ng Bucana Malaki saka nag-inuman.
Habang nasa shoreline ang grupo, isang malaking alon ang biglang dumating at humampas sanhi upang sabay-sabay na matangay ang mga biktima.
Nakalangoy naman pabalik ang anim na estudyante pero minalas si EJ na makabalik sa pampang nang tuluyan siyang tangayin ng malaking alon hanggang sa mawala at lamunin na ng dagat.
- Latest