TABACO CITY, Albay, Philippines — Nasawi ang isang 8-anyos na batang babae at ang 71-anyos na lolo habang apat na iba pang kapamilya ang isinugod sa pagamutan matapos masunog ang kanilang bahay sa Purok-1, Brgy.Guinobat, Tabaco City, Albay kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima sa pangalan lamang na “Elmer”, na isang stroke patient at apong si “Nene, pawang residente ng naturang lugar. Patuloy namang inoobserbahan ang apat na kaanak na nagtamo ng paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa panayam kay Tabaco City- Bureau of Fire Protection OIC-fire marshall Fire Senior Inspector Edgar Tañajora Jr., pasado ala-1 ng madaling araw, isang tawag ang kanilang natanggap hinggil sa nasusunog na bahay sa naturang lugar.
Agad rumesponde ang mga pamatay sunog at nakitang malaki na ang apoy.
Mula sa bubong ng kapitbahay ay nakita ng mga bumbero ang limang magkaka-anak na na-trap sa comfort room ng bahay habang sumisigaw ng tulong kaya agad nilang ni-rescue.
Matagumpay na nakuha ang lima at isinugod sa Ziga Memorial District Hospital.
Gayunman, dahil sa suffocation ay nasawi habang nilalapatan ng lunas ang batang babae habang natagpuan naman ang bangkay ni Elmer sa kuwarto nito.
Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ang BFP para malaman ang sanhi ng sunog.