MANILA, Philippines — Niratrat ng isang kuya ang kanyang dalawang nakababatang kapatid sa Barangay Ayala, Zamboanga City nitong Miyerkules.
Batay sa ulat ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), walang maibigay na paliwanag ang ate ng mga biktima na si alias Nene kung bakit pinatay ng suspek ang dalawa nilang kapatid sa loob ng kanilang bahay.
Sinabi ni Nene na nakarinig na lamang siya ng mga putok ng baril at nang kanyang tingnan ay naabutan niyang hinahabol ng baril ng kuyang si James ang dalawang nakababata nilang mga kapatid.
Todas ang magkapatid nang maabutan at mapuruhan ng mga tama ng bala.
Sa ulo ang tama ng 35-anyos na bunsong lalaki habang maraming tama ng bala sa katawan ang 42-anyos nilang kapatid. Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek.
Naniniwala naman ang pulisya na posibleng sangkot ang suspek sa mga illegal na gawain at iyon ang naging isyu sa magkakapatid.
Nanawagan naman ang anak ng suspek na sumuko na ito at pagbayaran ang ginawang krimen.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen habang tinutugis ang salarin.