60-anyos kainuman, kinatay ni mister sa selos!

POLANGUI, Albay
Google Maps

Misis dumayo para makipaglaklakan

POLANGUI, Albay, Philippines — Patay ang isang 60-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng selosong mister ng isang ginang na kainuman sa loob ng isang bahay sa Purok 7, Brgy. Pinagdapugan, ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Malalalim na taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang agarang ikinasawi ng biktima na kinilala lang sa pangalang “Rommel”, residente ng Purok-2, Brgy. Pintor.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek na dala-dala pa ang ginamit na itak na kinilalang si alyas “Adan”, 44-anyos, ng Brgy. Itaran ng naturang bayan.

Sa ulat, alas-8 ng gabi nang makipag-inuman ang misis ni Adan na si “Cecilia” sa lolong si Rommel at isa pang kaibigan na si “Belinda” sa loob ng bahay ng isang alyas “Ming”.

Lumalabas sa imbestigasyon na habang nasa kasarapan ng inuman ang ginang na dumayo pa mula sa ibang barangay, nang biglang dumating at pumasok sa bahay ang kanyang mister na armado ng itak.

Nang makita ng mister ang lolong kainuman ng misis, agad nitong inatake at walang kaabug-abog na pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kahit sugatan ang matanda, nakatakbo pa siya sa labas ng bahay pero hinabol pa rin ng suspek at mu­ling pinagtataga hanggang sa duguang humandusay.

Agad tumakas ang suspek habang mabilis na isinugod ang biktima sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital sa Ligao City pero hindi na umabot nang buhay.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, matinding selos ang motibo ng mister para pagtatagain ang biktima na hinihinalang karelasyon ng kanyang misis.

Show comments