COTABATO CITY, Philippines — Nasa P300,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang drug dealer na pinaniniwalaang namimigay ng parteng kita sa mga teroristang grupo, makaraang masabat sa isang police checkpoint sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig, Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na inaresto ng mga kasapi ng Datu Piang Municipal Police Station na pinamumunuan ni Captain Razul Pandulo, ang suspect na kinilalang si Samsudin Ahman Saban, nang makitaan ng isang baril at shabu sa loob ng kanyang sasakyan nang mapadaan sa kanilang checkpoint sa isang lugar sa naturang bayan.
Aabot sa P300,000 ang halaga ng shabu na natagpuan sa loob ng sasakyan ni Saban, ayon sa ulat ng Datu Piang police kay Tanggawohn, na ihahatid sana ni Saban sa isang contact sa isang liblib na lugar ng naturang bayan.
Ayon kay Tanggawohn, inaalam na ng mga imbestigador ang diumano ay pamamahagi ni Saban, ayon sa tip ng kanyang mga kakilala, ng kita sa pagbebenta nito ng shabu sa ilang mga commander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya terrorist group upang malayang makapagsagawa ng kanyang illegal na gawain sa mga lugar na may presensya ng dalawang grupo.