CAVITE, Philippines — Arestado ang manager ng isang pabrika habang nakumpiska ang nasa 139,464 kilograms na mga hazardous electronic wastes ng iba’t ibang electronic scrap boards na may ilang milyong pisong halaga sa isinagawang pagsalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod ng Dasmariñas, kamakalawa.
Sa bisa ng search warrant na may petsang Agosto 9, 2024 at sa direktiba ni NBI director Jaime Santiago, nilusob ng NBI-Cavite District Office (NBI-CAVIDO) ang Ivan Metals Co. Inc. sa warehouse #9 ng 1st Solid Compound, Brgy. Paliparan, Dasmariñas City, Cavite.
Ikinasa ang raid matapos makatanggap ng reklamo ang NBI laban sa alias “Ivan” na diumano’y may-ari ng Ivan Metals Co. Inc. at nagta-transport, nagpoproseso at nag-iimbak ng mga hazardous electronic wastes nang walang mga kaukulang permit mula sa Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Nilabag umano nito ang batas na R.A. No. 6969 o mas kilala sa “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.”
Ayon kay Santiago, nagsagawa sila ng beripikasyon mula sa DENR-EMB at nadiskubre na wala ring rekord ang nasabing kumpanya mula sa Environmental Compliance Certificate (ECC), Wastewater Discharge Permit, HW Transporter Registration Certificate and TSD Registration Certificate at wala ring Permit to Operate.
Ayon din sa Business Permit and Licensing Office ng Dasmariñas City, wala rin silang permit o license na inisyu sa Ivan Metals Co. Inc.
Sa isinagawang operasyon, inaresto ng NBI agents si Huang Xiaoming, manager ng Ivan Metals nang maaktuhan habang nagsu-supervise sa overall operation sa loob ng pabrika at sangkot umano sa mga illegal transportation, pagproseso at pag-imbak ng mga hazardous electronic wastes, na walang kaukulang permits ng DENR-EMB.