Triplets, isinilang sa Nueva Vizcaya

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Tatlong sanggol na lalaki ang kinagigiliwan ngayon matapos magsilang ang isang ginang ng “triplets” sa isang pagamutan sa bayan na ito, ayon sa ulat kahapon.

Ang nasabing mga sanggol na sina baby Ron Bryle, Ron Brion at Ron Brixx ay anak ng mag-asawang Jose Benter III, 32, at Ezra Biel Benter, 29, na kapwa residente ng Barangay Villa Coloma, bayan ng Bagabag sa lalawigang ito.

Ayon kay Ezra, noong una ay hindi siya makapaniwala na triplet ang ipinagbubuntis niya bagama’t silang mag-asawa ay kap­wa may lahing kambal. Tripl­e rin aniya ang kanyang pag-iingat habang nagbubuntis kahit na umano triple rin ang bayad sa tuwing ito ay nagpapa­tingin sa doktor.

Ayon naman kay Jose, kambal lang umano ang kanyang ipinagda­rasal kaya’t naghalong tuwa, kaba at sabik ang nararamdaman niya nang malaman na triplets ang magiging anak nilang mag-asawa, maliban sa panganay nilang anak na babae.

Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa pagamutan pa ang mag-iina para matugunan ang pangangailangang medical ng mga sanggol na isinilang nitong Lunes ng hapon.

Show comments