3-anyos naipit sa 2 malaking bato sa ilog, patay

MANILA, Philippines — Isang paslit ang patay nang malunod at maipit pa sa malalaking bato sa isang ilog sa Rodriguez, Rizal nabatid kahapon.

Kinilala lamang ang biktima na si alyas “Boy”, 3, at residente ng Libis Tibag, Brgy. Burgos, sa Rodriguez.

Sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, alas-7:30 ng gabi ng Lunes nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Mango River sa Libis Tibag, Brgy. Burgos, ngunit Martes ng umaga na lamang ito naiulat sa mga awtoridad.

Batay sa salaysay ng ina ng biktima na si Aling Virginia, iniwan niya ang anak at kapatid nito sa labas ng kanilang bahay, dakong alas-3:00 ng hapon upang maligo ang ginang.

Matapos lamang aniya ang kalaha­ting oras, napuna niyang nawawala na ang paslit na anak kaya’t hinanap niya sa paligid at sa mga kapitbahay ngunit hindi natagpuan kaya’t iniulat na ang pangyayari sa barangay.

Nagtulung-tulong ang mga opisyal ng barangay at mga kapitbahay para hanapin ang bata ngunit patay na nang kanilang matagpuan habang ang katawan ay nakaipit sa dalawang bato sa ilog.

Hinala ng mga awtoridad na habang naliligo ang ginang ay naglaro ang bata at nakarating sa ilog ngunit minalas na malunod.

Show comments