MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation -Cybercrime Division ang nasa 29 indibiduwal kabilang ang limang foreign national nang kanilang salakayin ang apat na kabahayan na nagsisilbing mga scam hubs sa loob ng isang subdibisyon sa Kawit, Cavite.
Kinilala ang mga dinakip na sina Shang Guan Jian Bao, Guan Pei Hong, at Masi Yi pawang mga Chinese; Jenny Tan Sue Tzen at Kong Yee Xin; kapwa Malaysian at mga Filipino na sina Marrione Martinez, Jessable Nolla, Michelle Laureno, Eva Lou Cabias, John Kenneth Llabres, Randell Booc, Jayson Lumbocan, Kenneth Habres, Ron Danielle Bontoc, Stephanie Porol, Maria Misumi, Cherevim Bontia, Paul Mertan Quines, Greensalida Ligan, Reymilyn Tadena, Mico Princillo, Key Ann Katipon, Ella Camillo, Glaizy Ann Catipon, Adrian Severino, Rendon Lark Bawar, Benirma Valeriano, Edsil Solis at Yasmin Marie Canaynay.
Lumilitaw na trabahador ng limang nabanggit na foreign nationals ang 24 na Pinoy .
Batay sa report, Biyernes, Agosto 9 nang salakayin ng NBI sa bisa ng Warrants to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) ang apat na bahay sa Grand Centennial Subdivision sa Kawit, Cavite.
Ayon kay NBI Director Atty. Jaime Santiago, nakatanggap sila ng report na may nagpapatakbo ng iba’t ibang uri ng scam tulad ng romance scam, investment scam, crypto scam, impersonation scam at credential stuffing sa Grand Centennial Subdivision, Kawit, Cavite.
Nagsagawa ng surveillance at beripikasyon hanggang sa pasukin at madiskubre ang isang scam showroom kung saan naka-display ang mga pekeng luxury items at iba pang mga mamahaling produkto upang mapaniwala ang mga biktima sa kanilang mga scam.
Mahaharap ang mga suspect sa kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at RA 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act.