COTABATO CITY, Philippines — Dalawa ang sugatan kabilang ang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos silang tambangan ng armadong grupo sa Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao del Norte nitong Lunes ng umaga.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Martes ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagtamo ng mga tama ng bala si Garante Tumanggong Kawilan at kasamang si Guimaludin Samad nang pagbabarilin ng mga armado habang sakay ng isang puti na minivan sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.
Napag-alaman, mula sa kanyang mga kamag-anak at mga miyembro ng MILF, na si Kawilan ay isa sa mga commander ng 104th Base Command ng naturang grupo na may peace agreement sa pamahalaan.
Ayon sa mga saksi, gumanti ng putok sina Kawilan kaya bumangga ang motorsiklo ng patakas na sanang mga nag-ambush sa kanila.
Isinalaysay rin ng mga saksi na kanilang ikinagulat ang pagtulong ng ilang mga kalalakihan mula sa hindi kalayuan sa mga salarin matapos maaksidente kaya tuluyan silang nakatakas patungo sa direksyon ng hindi kalayuang probinsya ng Maguindanao del Sur.