500 kawani ng Quezon Province nabigyan ng serbisyong medikal

LUCENA CITY, Philippines — Nasa 500 na kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang napagkalooban ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan sa pangunguna ng Quezon Provincial Health Office kahapon, sa Quezon Convention Center sa lungsod na ito. 

Ang naturang aktibidad na Kalusugan sa Niyogyugan na may temang “Kalusugan Pangkaisipan: Stress Management and Promotion of Healthy Lifestyle” ay bahagi ng idinaraos na Niyogyugan Festival 2024.

Naniniwala si Quezon Governor Dra. Helen Tan na malaki ang papel na ginagampanan ng mga kawani sa pagbibigay ng maayos at epektibong serbisyo sa mamamayan, kaya naman mahalagang maalagaan nila ang kanilang pisikal at mental na kalusugan.

Kabilang sa mga lib­reng serbisyo na naipagkaloob sa mga kawani ay chest x-ray, ultrasound para sa mga kababaihan, cervical cancer screening, urine albumin-creatinine ratio (UACR) test, Random Blood Sugar (RBS), Kilatis-Kutis o dermatological services, Sexually Transmitted Infections/ HIV screening and counseling, pagbabakuna ng anti-pneumonia, dental services, libreng gupit ng buhok, libreng masahe at libreng mga vitamins.

Nagkaroon din ng talakayan tungkol sa kalusugang pangkaisipan sa lugar ng pinagtatrabahuhan o Mental Health in the Workplace na pinangunahan ni Dr. Dario Domingo Flores ng Quezon Provincial Hospital Network - Quezon Medical Center (QPHN-QMC).

Pinangunahan ni Governor Tan kasama si Provincial Health Officer Dr. Kristin Mae-Jean Villaseñor ang paglulunsad ng Capitolyo Health and Wellness Clinic na binuo upang tumugon sa mga kawani na nagnanais magpakonsulta ng kanilang kalusugan.

Show comments