Konsehal niratrat paglabas ng simbahan, patay!
GUINOBATAN, Albay, Philippines — Bulagta ang isang konsehal ng barangay matapos lapitan at pagbabarilin ng hindi nakilalang gunmen habang nakaupo at hinihintay ang asawa makaraang manggaling sa simbahan sa kahabaan ng Mabini Street, Brgy. Iraya, sa bayan ito, noong Linggo ng umaga.
Dead-on-aarival sa ospital dahil sa mga tama ng punglo sa katawan ang biktima na kinilalang si Salvador Mortega Pardiñas alyas “Baduy”, 51-anyos, incumbent kagawad at residente ng Brgy. Maguiron ng naturang bayan.
Sa ulat, dakong alas-8:40 ng umaga, kagagaling pa lang umano sa pagsimba ang biktima at sandaling naupo malapit sa isang bakery ng bayan habang hinihintay ang asawa nang mangyari ang inisidente.
Lumalabas sa imbesigasyon na dalawang hindi nakilalang suspek na armado ng baril ang lumapit sa kagawad at walang kaabug-abog na pinagbabaril.
Matapos na masigurong napuruhan ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek.
Sinubukan naman ng mga sumaklolo na isugod ang biktima sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital sa Ligao City pero hindi na umabot nang buhay.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis pero hindi na inabutan ang mga salarin sa lugar.
Nakuha sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng kalibre 45 baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa motibo sa krimen.
- Latest