PANGASINAN, Philippines — Patay ang isang 4-anyos na batang babae habang siya at kanyang tatay ay patawid sa ilog sa Vintar, Ilocos Norte nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat na tinanggap ng Police Regional Office 1 (PRO1), kinilala ang biktima na si Baby Kieza Soriano ng Sitio Lepanto, Brgy. 34, Vintar, Ilocos Norte.
Sa imbestigasyon, dakong alas-9:30 ng umaga habang tinatawid umano ng biktima kasama ang amang si Paulino Soriano Sr. ang Isic-Isic River sa Sitio Bato, Barangay 34 nang maganap ang insidente.
Nang mapadako na umano ang mag-ama sa gitnang bahagi ng ilog ang tinangay ng malakas na bugso ng tubig at ma-stock sa spillway.
Bunsod nito, nagpumilit ang ama na sagipin ang anak pero nabigo kaya agad siyang humingi ng tulong sa awtoridad.
Rumesponde sa lugar ang mga operatiba ng Vinta Police, municipal disaster risk reduction management office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), rural health unit (RHU) at barangay officials at nagsagawa ng search and rescue operation.
Narekober ang katawan ng batang babae bandang alas-12 na ng tanghali at idineklarang patay ng sumuring doktor.