COTABATO CITY, Philippines — Abot sa 650 na nais maging kasapi ng Armed Forces of the Philippines ang kumuha ng Philippine Military Academy entrance exam mula Sabado hanggang Linggo sa isang testing area sa bayan ng Kabacan, Cotabato.
Sa mga ulat ng mga himpilan ng radyo sa probinsya ng Cotabato nitong Lunes, isinagawa ang naturang entrance testing sa isang public gymnasium, ay magkatuwang na pinamahalaan ng mga kinatawan ng PMA na pinangunahan ni Army Captain Jocel May Alicog at ng mga tanggapan ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza at Kabacan Mayor Evangeline Guzman.
Ayon kay Alicog, extensibo ang suporta ni Mendoza, sa pamamagitan ng kanyang staff na si Jessie Francisco, Enid, Jr., sa naturang entrance testing process.
Marami sa mga kabataang kumuha ng PMA entrance exam ay mula sa 17 na bayan ng Cotabato at sa kabisera nito, ang Kidapawan City, at mga karatig probinsya.
Sa mga hiwalay na pahayag nitong Lunes, pinasalamatan nina Alicog, Major Gen. Antonio Nafarrete ng 6th Infantry Division, at Philippine Army commander Lt. Gen. Roy Galido, ang gobernadora ng Cotabato at ang Kabacan municipal government sa pagtulong sa pagsasagawa sa August 10-11, 2024 PMA entrance exams sa naturang bayan.